Labing-isang buwan ang ibinigay ng ating Diyos sa akin para maipagpatuloy ang Kanyang gawain sa Barangay Imbo, Anda Pangasinan. Kasama ng aking mga magulang, ako ay nakarating sa lugar na ito. Ang lugar na ito ay isang maliit na barangay na binubuo lamang ng tatlong purok. Ito ay malapit sa tabing dagat kaya ang pangunahing hanap buhay dito ay pangingisda. Sagana sa laman dagat, kaya madalas itong naihahain sa hapag kainan. May mga bukid din dito, kaya nakakakuha ang mga tao sa kanilang mga sariling taniman. Marami ka rin makikitang mga kambing at baka. Nasa 15- 20 minuto ang layo nito mula sa mismong bayan, kaya minsan sa isang linggo namamalengke ang mga tao. Mayroon din namang mga maliliit na tindahan (Sari-sari Store) na pwedeng pagbilhan ngunit tumataas din ang presyo ng bilihin. Sariling sasakyan at bus ang pangunahing sasakyan dito. Maraming mga balon sa Imbo dahil ito ang pangunahing pinagkukuhanan ng mga tao ng tubig. Mayroon naman ding sistema ng tubig ngunit nahihirapan ang pagdaloy nito kaya madalas ding nawawalan ng tubig. Mabuti at mayroong din malapit na balon kung saan ako nag-iigib. Simple, mapayapa, at praktikal ang pamumuhay sa Imbo. Masaya ako na nakakilala ng mga tao bukod sa mga kasamahan ko sa simbahan.
Ang
pagdestino bilang diyakonesa sa Imbo United Methodist Church ay isang
pribilehiyo na pinagkaloob sa akin ng Diyos. Ito ang unang taon at pagkakataon
na naglingkod ako bilang ganap na diyakonesa. Mula sa teorya at mga salita ng
Diyos na aking napag-aralan sa kolehiyo, ito na ang panahon para kumilos at
gumawa.
Ang
ministeryo na ibinigay Niya sa akin ay ang music ministry (pagtuturo sa choir,
pagtugtog ng keyboard tuwing linggo ng pagsamba at kasama din ang Praise and
Worship Team na binubuo ng mga kabataan), nakasama ako sa paglead ng mga
kabataan at pagtuturo sa Sunday School ng mga bata. Kasama ng aming
Administrative Pastor, mga lay servants at church leaders ay nakapaglingkod sa
Imbo UMC at sa barangay Imbo sa abot ng aming makakaya at ayon sa biyaya ng
Diyos.
Ang hindi ko
makakalimutan na karanasan ay ang patungkol sa children ministry ang 4F’s
(Faith, Food, Feet, Fashion Ministry), Vacation Church School at ang Love in
Action na kung saan nagpakain ng mga
bata, nagbigay ng libreng tsinelas, libreng gupit, at mga sapatos at sandalyas
at nagturo at nagbahagi ng ebanghelyo sa mga mga bata at nagbigay para sa mga
nangangailanagang tao sa barangay Imbo. Bukod dito, isang hindi ko makalimutang
ala-ala ay ang biglaang pagkamatay ng aking kapit-bahay dahil sa aksidente niya
sa motor. Ang kapit bahay na ito ay tumulong pa sa paghahanda para sa Palm
Sunday ilang araw bago ang aksidente. Kaya naman nagkaroon ako ng balo na kapit-bahay.
At panghuli ay ang isang matandang babae na aking kapit-bahay, si Nanay Agnes,
mahigit 70 taong gulang. Tuwing kausap ko siya, “baby” ang tawag niya sa akin
at bagama’t siya ay Filipino kilala siya sa lugar na English speaking lady
dahil wikang Ingles ang gamit niya sa pakikipag-usap.
Likas na
mapagbigay ang mga tao at itinuturing nila akong kabilang sa kanila kahit ako ay
dayuhan doon. Naranasan kong makipamahay ng anim na buwan sa mga miyembro ng simbahan
habang ang deaconess quarter ay inaayos pa lamang. Hindi ako nahirapan na makisalamuha
sa kanila sapagkat malugod ang kanilang pagtanggap sa akin. Hanggang sa huling
araw ng aking pag-stay sa Imbo, ramdam ko din ang ang kanilang pagpaparaya sa
amin mga workers sapagkat natapos na ang isang taong kumperensya at nabasahan
muli kami ng panibagong destino.
Ang Diyos ang Siyang mapapurihan sa lahat ng karanasang ito. Hanggang
sa muling pagkikita, Imbo UMC.
Comments
Post a Comment